Astig pala mag-Filipino
bakit ngayon ko lang nalaman?!
masarap pala paglaruan ang lenguaheng ginagamit ko,
'di ko man lang napansin noon.
nag-iinarte kasi ako noong matutunan ang pasikot-sikot
ng salitang Ingles - mas madali kasing maintindihan at
magsalin ng saloobin pag 'yun ang gamit.
pakiramdam ko, ang mga makata lang ang may karapatan
sa Filipino - 'yun tipong may kalaliman.
akala ko kung balbal ang Filipino mo, wala ka nang
karapatang magsulat -
malamang ganoon nga. pero susubok pa rin ako -
dehado ako sa MP10 (hayop sa lupit ng subject na 'yun -
tugmaan lang 'di ko pa nakuha). ayaw ko namang masayang ang P900
ng mga magulang ko para sa subject na 'to dahil lang sa hindi ako masipag
mag-Filipino. mukhang sa subject lang na 'to
ako posibleng pumalya - pinangako ko pa man 'din
sa kanila na aarangkada ako ngayong sem. nakakahiya naman sa kanila -
at sa P900 nila.
kaya napagtripan kong sumulat ng labing-apat na tula sa loob ng dalawang linggo.
magagawa ko kaya?
dudugo muna ilong ko - pero ayos lang, ganoon naman ata
talaga ang pagiging isang Pilipino -
Madugo.