panira si melvin
nananadya talaga si melvin. muntik ko na siyang awayin.pumunta ako sa worship service, umaasang matutuwa at kikiligin ako dahil sa mapapakinggan ko muli ang mga salita ng Diyos. pero sinira lahat yun ni melvin. si melvin na matangkad at mukhang high na high kay Lord, oo, yung melvin na yun. panira talaga siya.
psalm 95 - mula sa bersiculo uno hanggang siete, masaya, positibo ang tingin sa pakikitungo sa Panginoon. pero pagdating sa otso patapos, aba, kinailangan pa talaga niyang ipamukha sa amin ang bigat ng galit ng Panginoon doon. complete shift of gears. una, tuwa, sunod, nagngangalit sa inis ang Panginoon kasi matitigas raw ang puso ng pinili Niyang angkan.
hindi raw sila kontento sa Diyos. ayaw nilang kunin ang ipinangakong lupa gayon at lantaran nang sinasabi ng Diyos na kanilang-kanila na yun. eh itong si melvin, kailangan pa talagang ipagdiinan na matigas ang mga ulo nila, na mas gugustuhin pa raw nilang maglalalakad sa loob ng kuwarentang taon kaysa sa mamalagi sa lupang umaapaw sa gatas at tagapulot. hindi pa dun huminto si melvin. kailangan pa talaga niyang sabihin sa amin na lahat raw kami ay ganoon: hindi nakukuha ang kasiyahan sa Diyos, o kaya paminsan-minsan lang. yun tipong magkwa-quiet time kung may nagbabadyang mga problema, kung obvious na may paparating na bagyo, mapa-lovelife man yan o mapa-exam. hobby lang daw si God sa amin. melvin, malupit ka talaga.
kasi para sa akin, totoo nga naman. sa mga nagdaang araw, banas na banas ako sa mundo, sa buhay, sa eskuwela, sa ministry, sa lahat-lahat nang maakita ko, nang wala namang konkreto at lohikal na dahilan. sa katunayan, mas delikado pa nga yun. wala kong maiduro na problema. hindi pa naman nawawatak ang pamilya ko, hindi pa naman ako maki-kick out sa unibersidad, wala naman akong nakamamatay na sakit, pero ang bigat talaga ng pakiramdam. tapos may krush ulit akong hindi ko naman talaga kilala. (si melvin, kilala niya). todo struggle nang wala namang konkretong basehan. nakakaasar talaga. binubugbog mo na yung kaluluwa mo kasiu pakiramdam mo nagdradrama ka lang, parang gawa-gawa mo nanaman ang nararamdaman mo, hanggat magmumurahan na ang isipan at puso mo.
at nang narinig ko si melvin, napaiyak na lang ako sa inis dahil hindi ko naman inaasahang maririnig ko yun. tinamaan ako: ipinamukha sa akin na kaya ako badtrip ay dahil naghahanap ako ng pagmamahal hindi mula sa Nagmamahal. nalaman kong hindi na nga pala ako nagkwa-quiet time, hindi ko na nahuhugot ang saya ko mula sa dapat Paghugutan. nililinlang ko ang sarili ko sa pamamagitan nang pag-iwas sa Salita, sa mga tamang kataga mula sa bibig ng Panginoon. nalaman kong andami Niyang sinabing binastos ko lang sa pamamagitan nang pag-iwas. hindi ako kumpleto, kasi hindi ko pa nga naman ibinigay nang kumpleto sa Diyos ang lahat-lahat.
para sa isang hindi Kristyano, hindi ako maiintindihan. ang labas ng Diyos ay strikto, boring, matampuhin. boring? hindi ha. strikto, matampuhin? malamang. kasi may karapatan naman Siya. gustong-gusto Niya akong budburan ng biyaya. ako lang naman itong nag-iinarte at tumatanggi. haay. panira talaga si melvin.
buti na lang. buti na lang nanghahabol talaga ang Diyos, kasi kung hindi, wala na akong paa sa sobrang galos. buti na lang namimigil Siya, hindi Siya nagpapabayang masira ko ang aking sarili. so, enjoyment kay God. excited na ako.
salamat melvin. at, ahm, mas guwapo ka talaga kaysa sa mga mata 'niya'. (Lord, sana po maibahagi ni melvin ang nilalaman nang puso niya at puso Ninyo sa kaibigan niyang ma-impluwensiya at, well, guwapo ang mga mata.amen.) promise.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home