Hirap ng Kahirapan

Mahirap kumalinga. Mahirap maging Kristyano dahil hindi maiiwasang maging mapagkalinga sa kapwa. Mahirap ang maging Kristyanong hindi nangingialam, ang mabuhay nang wala naman talagang pakialam sa mga nangangailangan ng kalinga, habang higit sa kalahati ng mundo ay namamatay sa gutom, o sa giyera, o sa diskriminasyon, o sa kawalan ng pagkalinga ng mga taong tinatawag na mga Kristyano pero nabubuhay na lang nang wala naman talagang pakialam. Mahirap. Imposible.

Mahirap kumain ng carbonarra at roasted beef with mushroom gravy and mixed buttered veggies nang isang upuan habang nalalaman mong may isang pamilyang may 14 na miyembrong pinagsasaluan ang isang lata ng Argentina corned beef, yun maliit na lata, at huling butyl ng kaning linimos lang. Mahirap manuod ng sine kasama ang mga kaibigang Kristyano habang alam mong pinapatakbo ng mga satellite TV stations na wala nang ginawa kundi paasahin silang gginhawa ang buhay sa pamamagitan ng swertehan sa pagpili ng magic kahon - Ultra, nakamamatay. Mahirap mangarap na mag-aral ng second degree sa BS Business Economics sa kolehiyo habang may 11 taong gulang na batang hindi pa alam kung paano isulat ang buon pangalan niya. Mahirap tawanan ang joke ng isang kaibigan habang alam mong may mga batang tumatawa sa mga maduduming jokes na hindi naman dapat nila naririnig dahil yun ang naririnig nila sa mga nag-iinuman nilang mga magulang.

Mahirap mangako ng tulong, kahit gaano pa kalinis ang intensyon mo, kung hindi mo naman dadamdamin ang buhay nila, kung hindi mo aalamin ang hirap ng pagkakaroon pagkain nila, ang halaga ng piso para sa kanila, ang saya na idinudulot ng lapis sa kanila. Mahirap lang kung nababasa mo ang kahirapan, o nababalitaan sa kaibigan, o napapanood sa TV.
Mahirap maging mahirap. At mahirap maging Kristyanong walang puso para sa mga mahihirap.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home