Hala, Ang Filipino ni Ma'am

Ito ang pinaka-ayaw ko sa lahat: bibigyan mo ng pagkakataong mabuhay ang isang libro, pero pagkatapos ay papatayin naman nito ang sanity mo. Sa lahat ng libro, lahat-lahat ng may katuturan, wala kayong utang na loob sa curiosity ng mambabasa. Serial killer kayo ng mga bobo.

Walang pinagkaiba ang Makinilyang Altar. Curious lang naman ako kasi guro ko sa Fil20 ang nagsulat. Mas lalo pang tumindi ang curiosity ko nang lagi itong naka-out sa library tuwing maisipan kong i-search ito sa OPAC para lang magmukhang researcher. Aba, bumebenta si Ma’am. Ngunit hindi ko agarang binasa ito nang mahiram ko na, unang talata pa lang umiral na ang kabobohan ko. Ngunit nang sinearch ko ang synopsis nito sa web para mapreserve ang aking angking kamangmangan, lumabas ang review ng isang istudyante na naisulat sa wikang Ingles. Pinukaw raw ng librong ito ang takot niya sa mga Filipino novels. Elitista ang writer na ito, nagbasa ng Filipino novel kasi required sa University of the Philippines. Hmmmm… interesting. Kaya pag-uwi ko, hindi ko na pinansin ang sakit ng aking ulo sa unang talata, hanggang sa sumuko na ito sa page twelve. Hala, pakiramdam ko may kaunting dunong na pumipintig sa kukote ko. Marunong pala akong magbasa. I’m proud.

Pero naluluha ako habang binabasa ko ito. Nakakaiyak naman talaga ang ibang mga parte, pero hindi yun ang rason. Passive father si Deo Dimasupil, oo, pero hindi pa rin yun. Ideal daughter sana si Laya Dimasupil kung pinapansin lang siya ng tatay niya, pwede, pero hindi rin yun. Namatay ang alagang manok ni Bituin, at cannibals ang mag-anak niya kasi iprinito nila ito para sa pananghalian. Dramatic, pero hindi eh. Maraming boses ang nagkukuwento at kailangang balik-balikan ang division para lang malaman mo kung sino ba ang nagsasalaysay. Yun, yun yon. Mamaya-maya, si Laya. Tapos bigla-bigla na lang tinig na ni Propesor Deo Dimasupil. Nagsalita pa nga si Ma’am Gloria na isa rin palang manunulat katulad ng kanyang asawa. Nakakaiyak manghula kung sino ba ang nagsasalita, tapos mali pala ang iyong inaakala kaya hindi mo mai-connect ang mga pangyayari. Uulitin mo ulit na basahin para maitama. Tunay ngang nakakapagpaluha ng mga mata. Nakakabobo.

Hala, unfaithful wife pala si Laya. Patunay siya sa cliché na first love never dies. Flirt. Flirt yung Sid nay yun, yung first love niya. Alam na ngang may asawa si Laya – oh well, mutual agreement naman iyon. Ang mga eksena sa ibabaw ng table, sa shelf, sa sahig, lahat daw iyon ay ginusto ni Laya. Sige, hindi naman birhen ang utak ko sa sex, pero iba pala kung may hitsura na ang karakter sa aking isipan. Hala, Ma’am, patawad talaga. Naalala ko ang sabi ni Ser Vlad, guro ko dati sa MPs10, na huwag raw naming itatali ang awtor sa isinulat niya. Hindi ko na nga ginawa yun, pero dahil sa kabobohan ko, naidawit si Ma’am kasi sabi ni Laya hindi raw maihihiwalay ng makinilyang altar ang awtor sa akda niya. Tapos sabi nung nagsulat ng Introduction na mas nakilala raw niya si Rogelio Sicat dahil sa librong ito. Hala, tatay yun ni Ma’am eh. Ibig bang sabihin nun ay accurate ang events sa librong ito? Naiyak ulit ako.

Kalmado ang hitsura ni Ma’am. Sa katunayan, nagagandahan ko siya kasi Pilipina talaga ang hitsura niya. Nakakainggit pa talaga ang mga mata niya, parang naluluhang masaya. Nakita ko na rin ang asawa niya kasi siya ang namahala sa quiz namin nang minsang hindi nakapasok si Ma’am. Mukha naman silang masaya. Tapos sisirahin ko lang ang imaheng iyon kasi hindi ko maihiwalay si Ma’am sa Makinilyang Altar. Sad.

Iyon ang isang matinding problema ng kabobohan. Confession ba iyon o fiction lang para may spice ang nobela? Kung ano man iyon, hanga pa rin ako sa librong ito. Hindi kaakibat ng manunulat ang kanyang gawa, parang kahit sabihin niyang mamamatay tao siya, hindi ako maniniwala kasi malaya pa rin siyang pumapatay ng kabobohan. Matapang. Matapat. Totoo. O, yan nanaman, pinupuri ko na si Ma’am, pinupuri ko na ang libro ngunit kani-kanina lang ay isinusumpa ko ito. Hm, kabobohan. Inconsistent talaga.

Ngunit sa pangkalahatan, higit pa sa pagkasuklam ko sa mga librong nagpapadugo ng ilong, inudyak ng Makinilyang Altar na maari kong mahalin ang sariling wikang banyaga para sa akin. May posibilidad na mapukaw ng Pilipinong tinig ang asiwa ko sa pagbasa nito. Mas malakas ang boses ng libro kaysa sa mga letra nito, boses na nangbubulyaw, nanghahamon. Nakakapandugo man ito ng ilong, nahuhugasan naman ng mga luha ang lansa.

Salamat, Makinilyang Altar. Excited na ako sa susunod kong babasahin na babawas sa aking kabobohan. Paalam, kabobohan.

Hindi, hindi nananahimik ang Makinilyang Altar.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home